Ano ang subaltern linguistics?

0 1,836

Ano ang subaltern linguistics?

Ahmar Mahboob

University of Sydney

Salin sa Filipino ni Louie Jon A. Sánchez

Translated into Filipino by: Louie Jon A. Sánchez

Ang subaltern linguistics ay isang uri ng lingguwistika na ginagawa ng isang komunidad para sa kanilang ikalalakas, ikagagaling, at ikauunlad. Maaaring gawin ng sinuman ang subaltern linguistics. At, maaari itong gawin sa anumang wika—hindi nito kailangang gumamit ng anumang jargon o umasa sa Ingles. Ang layon ng subaltern linguistics ay lumikha ng mga ekonomiya, pamamaraan, proyekto, at mapagkukunang magagamit ng mga kasapi at pinunò ng komunidad upang magsulong at magpatatag ng mga prosesong socio-semiotic na mapakikinabangan ng komunidad sa kanilang sariling wika (o sa wikang kanilang pinili). Sa pangkabuuan, ang socio-semiotics ay bumubuo sa mga paraang nag-uugnay sa búhay ng tao sa sari-saring dulugan ng paglikha ng kahulugan (binubuo, bagaman hindi limitado, sa mga imahen, teksto, kulay, sagisag, paraan, galaw, tunog, amoy, lasa, kayarian).

Maaaring gawin—at madalas tinutupad—ang subaltern linguistics ng mga táong hindi arál sa modernong lingguwistika. Upang mabása ang aking kritika sa modernong lingguwistika, mangyaring bisitahin ang: https://wemountains.com/01/10/1057.

Walang iisang paraan upang tupdin ang subaltern linguistics.

Mailalarawan ang gawain ng subaltern linguistics sa pamamagitan ng 1) mga layon nito: ang ikalalakas, ikagagaling, at ikauunlad ng isang komunidad; 2) pagkasangkapan nito sa limang materyal na pandama: biswal, oral, amoy, yari, at lasa [pansinin: ang limang pandama ay itinala sa isang partikular na hirarkiya o pagkakasunod-sunod; ipaliliwanag ko ang hirarkiya at halaga nito sa isa pang sanaysay]; at 3) pagkilala nito sa ugnayan ng mga sistemang socio-semiotic at materyal.

Sa pangkabuuan, maaring uriin ang ating mga daigdig sa dalawang sistema: ang sistemang materyal at sistemang socio-semiotic.

Binubuo ng mga sistemang pisikal at biolohiko ang mga sistemang materyal. Pangunahing bumubuo sa ating pag-iral ang mga sistemang pisikal. Ang pag-aaral sa mga ito (e.g. sa pamamagitan ng physics o chemistry), at ang paggamit sa mga pag-aaral na ito (e.g. sa pamamagitan ng engineering) ay nakatutulong sa atin na mapakinabangan ang pisikal na daigdig upang umagapay sa ating pangangailangan. Ang pag-aaral sa mga ito (e.g. sa pamamagitan ng plant at animal science), at ang paggamit sa mga pag-aaral na ito (e.g. sa pamamagitan ng medicine) ay tutulong sa atin na labánan ang mga sakít at mabuhay nang mas matagal at malusog.

Hindi maibubukod ang mga pisikal at biolohikong sistema sa isa’t isa. Binubuo ng mga materyal na pisikal ang lahat ng mga biolohikong organismo; samantala, hindi biolohiko ang lahat ng mga materyal na pisikal (e.g. maliliit at malalaking bato, tubig, at hangin). Nakaaapekto ang mga biolohikong organismo sa mga pisikal na bagay; at nakaaapekto ang pisikal na kaligiran sa ebolusyon ng biolohikong organismo. Maaari rin nating magamit ang mga aralín hinggil sa pisikal na daigdig at mailapat ang mga iyon sa mga nilalang na biolohiko, e.g. sa paggamit ng x-ray at nuclear medicine. At, magagamit natin ang mga aralín hinggil sa mga nilalang na biolohiko sa paglikha ng mga pisikal na bagay, e.g. pagdisenyo ng mga helikopter batay sa mga pag-aaral sa tutubi.

Sa kabila nito, maaaring halos walang magagawang pagpapaunlad o paggamit sa mga agham pisikal o biolohiko kung wala ang ating kakayahang lumikha sa mga sistemang socio-semiotic. Binubuo ng mga sistemang socio-semiotic ang mga sistemang sosyolohiko at semiotic. Mga pamamaraan ng pagbuo ng isang pangkat sa kayarian nito ang mga sistemang sosyolohiko. Lahat ng mga sistemang sosyolohiko ay biolohiko, ngunit hindi lahat ng mga sistemang biolohiko (e.g., mga punò) ay sosyolohiko. Mga sistema ng paglikha ng kahulugan ang mga sistemang semiotic; at lahat ng mga sistemang sosyolohiko ay may mga paraan ng paglikha sa kahulugan (kasáma na rito ang wika, bagaman hindi limitado dito). Mga sistemang socio-semiotic ang naghahatid sa atin ng pag-unawa sa daigidig, pati na rin ng ating mga paniniwala, pamamaraang ekonomiko, pamamaraan ng pag-iisip, pamamaraan ng pag-iral, at mga kagawian. Nakatutulong ang mga sistemang socio-semiotic sa pagpapaliwanag at pagtatantya sa ugnayan ng isang indibiwal o komunidad sa iba pang sistemang panlipunan, mga organismong biolohiko, at sa pisikal na daigdig. May ginagampanang munti subalit napakahalagang tungkulin ang wika sa paglikha at pagtataguyod ng ating mga sistemang socio-semiotic.

Linilikha, binabago, at ginagamit ng tao ang wika. Ginagamit ng tao ang wika bílang isang paraan ng pag-unawa at pakikibahagi sa daigdig: kapwa sa daigdig na materyal at socio-semiotic. Umaagapay ang wika at nagbabago habang nagbabago rin ang mga tao o ang mga pinaggagamitan nila sa wika. Ang wika, tulad ng mga táong lumilikha sa wika, ay nagbabago sa tuwina. Upang maunawaan ang wika, kailangang unawain natin ang tao at kaniyang ginagawa sa wika. Kayâ tao ang nasa sentro ng ating pag-unawa sa subaltern linguistics. Hindi wika. Isa lámang ang wika sa mayamang mapagkukunan ng paglikha sa kahulugan; at ginagamit ng tao ang magpagkukunang ito para sa kanilang ikabubuti—o, para sa kanilang ikapipinsala.

Nakapagpanday na ang mga komunidad na katutubo sa buong mundo ng magalang na ugnayan sa materyal na daigdig at nakipamuhay nang matiwasay dito. Sinasalamin ito ng kanilang mga prosesong socio-semiotic. Halimbawa, naniniwala ang mga katutubo ng Australia na ang daigdig (at mga ilog at bundok) ay buháy at nararapat igalang. Nagkaloob ang kanilang wika ng wari’y mga katangiang pantao sa mga hayop at ibon. Patunay ito sa pagkakaunawa na may mga sistema ng paglikha sa kahulugan ang iba pang nabubuhay, siyang batayan ng kanilang pag-iral at pagiging bahagi ng daigdig. Makikita ang mga paniniwalang ito sa kanilang pamamaraang panlipunan, kultural, at lingguwistiko. At, nagtulak sa kanila ito na magkaroon ng magalang na pakikiugnay sa paligid—at sa lahat ng bagay at nilalang na bahagi ng paligid na iyon. Madaling maidadagdag ng mga mambabásang pamilyar sa mga katutubong wika ang sumusunod na halimbawa: ang kung papaanong inaaruga ng mga katutubong wika ang paggalang sa mga sistemang materyal, biolohiko, at socio-semiotic. Subalit, ginambala ng kolonisasyon ang mga pamamaraan ng pamumuhay na ito—na nagdulot sa marami sa mga problemang kinakaharap natin sa daigdig ngayon.

Gumagamit at nagsusulong ang mga komunidad na mapanakop (colonizing communities, kilala ring komunidad na mapagsamantala, exploiting communities) ng wika, kultura, at kagawiang panlipunang taliwas sa paggalang sa mga sistemang pisikal at biolohiko. Naniniwala ang mga makapangyarihang mananakop sa superyoridad ng tao sa lahat ng nilalang; at sa superyoridad ng ilang paniniwala at pamamaraang pantao sa iba pa. Naniniwala sila na ang kanilang mga pamamaraan ay “maunlad” sapagkat nasasakop nila ang iba pang panig ng daigdig; at kailangang sumunod sa kanila ang iba upang maging “maunlad.” Dulot nito, lumilikha sila ng mga tuntunin at pamamaraan (kasáma na ang edukasyon at mga disiplinang akademiko) na magtutulak sa mga tao at komunidad na isuko ang kanilang mga kagawian at kaugalian upang maging “maunlad.” Naghahatid ito sa pagkawasak ng komunidad na katutubo at mga lokal na pamamaraan at pamumuhay.

Sa yugto ng kanilang unti-unting pagkaubos, ang mga napagsasamantalahang komunidad ay pinupuntahan ng mga “eksperto” mula sa mga komunidad na mapagsamantala (at yaong arál sa pamamaraang linang ng mga ito) upang “idokumento” ang kanilang pamumuhay. Sangkot dito ang mga “eksperto” mula sa iba’t ibang larangan ng agham panlipunan, edukasyon, at humanidades, kasáma na ang mga lingguwista. At, bagaman naidodokumento ng mga lingguwista (at iba pa) ang mga wika (at iba pang kaugalian), nananatiling naisasantabi at unti-unting nawawala ang mga komunidad na gumagamit sa mga wikang ito (at may ibang kultura). (Bílang susog hinggil sa kolonisasyon at lingguwistika, basahin ang: https://wemountains.com/12/24/984/.)

Kinikilala ng subaltern linguistics ang umiiral na diskriminasyon at panunupil na ginagawa at napapalala ng mga akademiko at eksperto mula (o arál sa) mapagsamantalang lingguwistika at iba pang agham panlipunan (kasáma na ang edukasyon).

Ang layon ng subaltern linguistics ay hindi ang magdokumento ng mga wika o lumikha ng gramatika. Itinuturing nito ang mga kagawiang nabanggit bílang mga kagawiang mapanupil—mga kagawiang lalong nagpapahina at nagsasalaylayan sa mga komunidad at wika.

Ang pag-iwas ng subaltern linguistics sa dokomentasyon ng wika at pagtatatag ng gramatika ay batay kapwa sa mga usaping teoretiko at praktikal. Sa teorya, tinatanggap ng subaltern linguistics na imposible ang pagtatakda ng isang komprehensibong gramatika para sa anumang wika. Ito’y sapagkat ang wika ay isang dynamikong sistema na nagbabago at nag-iiba sa lahat ng panahon; mahihirapan ang sinuman na sinupin ang lahat ng pagbabago at baryasyon sa iisang gramatika ng wika. Ang maaari lámang hangarín na mapanagumpayan ay ang pagdokumento sa paggamit ng wika sa isang konteksto, ng isang tao (o pangkat ng mga tao), sa isang panahon. Ang pagtatakda at paggamit ng gramatika ay nakadaragdag sa mga mapanupil na kagawian: ito’y sapagkat isang set ng mga katangiang pangwika ang naituturing na “istandard” at ang iba’y lumilitaw na mga taliwas (deviance) [at kakulangan (deficiency)].

Masasabing may tatlong magkakaugnay na mga praktikal na dahilan ang subaltern linguistics upang huwag magpokus sa paglikha ng mga lingguwistikong paglalarawan at gramatika. Una, kung nagtatagisan ang mga layon ng subaltern linguistics at “modernong lingguwistika,” papaano kung gayon nito masusundan ang mga pamamaraang ginagamit ng mga “modernong lingguwista”? Ikalawa, kung nakapokus ang subaltern linguistics sa mga tao at komunidad, at itinuturing nito ang wika bílang isang maliit, bagaman mahalagang pagkukunan ng paglikha ng kahulugan, papaano ito kung gayon makapagpopokus sa wika lámang? At ikatlo, kung ang subaltern linguistics ay maaaring gawin ng sinuman sa anumang wika, papaano napabibigat ito ng malalaking teoretiko’t terminolohikong kaalaman na nauunawaan lámang ng mga táong arál sa “modernong lingguwistika”?

Bílang paglilinaw, maaaring gumawa ng pagdodokumentasyon ang mga subaltern linguist. Ngunit limitado lámang ang saklaw at dapat gawin upang makamit ang mga layon ng isang tiyak na proyekto (pawang nakatuon sa pagpapalakas ng tao at komunidad). Idinodokumento at sinusuri ng subaltern linguistics ang gámit ng wika (kasáma na ang iba pang sistema ng paglikha ng kahulugan) hangga’t nakatutulong ang mga ito sa paglikha ng mga ekonomiya, kagawian, proyekto, at pagkukunan na mapakikinabangan ng kanilang mga komunidad.

Magbibigay ako ngayon ng tatlong halimbawa ng subaltern linguistics. Pansinin na nagmumula ang mga ito sa talagang naiibang konteksto at kakaunti lámang ang iniaambag ng “modernong lingguwistika” sa alinman.

Halimbawa 1: Isang Cherokee (katutubong tribo sa hilagang America) si Sequoyah, na natantong gumamit ng pagsulat ang mga kolonisador upang makipagtalastasan. Sa yugtong iyon, ang Cherokee ay isang wikang oral. Nagsimula si Sequoyah—hindi arál sa lingguwistika—na lumikha ng isang sistema ng pagsulat para sa kaniyang wika. Nagsimula siyang mag-eksperimento gámit ang isang sistemang ponemiko, ngunit naisip niyang hindi ito bagay sa kaniyang wika—at magiging talagang mahirap ituro at pag-aralan. Dahil dito, gumawa siya ng isang set ng mga karakter na silabiko, hindi ponemiko. Nang malikha niya ang script at mailathala iyon, mabilis na kumalat ang nasabing paraan ng pagsulat sa kaniyang komunidad at yaong mga táong walang literasi ay agad na nakalinang ng literasi sa kanilang wika. Ang script ni Sequoyah, isang mapagkukunang socio-semiotic, ay ginagamit pa rin magpahanggang ngayon at isang dahilan kung bakit nananatiling matatag ang mga Cherokee at kanilang wika sa kabila ng bangis ng kolonisasyon at genocide.

Maituturing na kampeon ng subaltern linguistics si Sequoyah. Nakatuklas siya ng isang pangangailangan sa kaniyang komunidad at tinugon iyon sa pamamagitan ng paglikha ng isang bagong sistema ng pagsulat—isang sistema ng pagsulat na maikakatwirang higit na mabuti kaysa sa mga ponemikong script na ginagamit at isinusulong ng “modernong lingguwistika.”

Larawan ng Silabaryong Cherokee mula sa Wikimedia Commons

Halimbawa 2: Isang samahán ang National Road and Motorists’ Association (NRMA) na tumutulong sa mga motorista sa Australia. Kamakailan, naglungsad ang NRMA ng isang “drive nice” campaign at nagkabit ng malalaking advertisement sa mga haywey na naglalaman ng anunsiyong “Drive nice…” at matapos, ng mensahe sa sulat-kamay ng isang bata na may kasámang mga drowing. Narito ang isang halimbawa ng nasabing advertisement:

National Road and Motorists’ Association (NRMA) –photo provided by the author

Upang mapalakas ang datíng nito, hindi lámang wika ang ginamit ng teksto, bagkus pati na rin ang sulat-kamay at drowing ni Tom. Ayon sa patalastas, si Tom ay 6 na taóng gulang nang isulat ang tektso. Ang advertisement na ito—at iba pang kabílang sa kampanya—ay mabisa sapagkat humahango sa socio-semiotics at sa ating pag-unawa sa kung papaanong nakapupukaw sa matatanda ang sulat-kamay at drowing ng isang bata. Isa itong halimbawa ng subaltern linguistics sapagkat nagtataglay ng pagkakaunawa sa socio-semiotics upang maimpluwensiyahan ang mga kagawiang maaaring makapagligtas sa búhay ng tao.

Kung mamarapatin, makapagsusuri nito ang isang subaltern linguistic (at iba pang matagumpay na kampanya mula sa buong mundo) at makabubuo ng sariling mapagkukunan—may pagkakaunawa sa sariling kababayan at komunidad—upang makapagbabala hinggil sa di-ligtas na mga ugali sa pagmamaneho na makapipinsala sa kapwa. Susuriin ng isang subaltern linguist ang mga tekstong ito ngunit upang unawain kung papaano nagkakabisa; ang layon niya’y hindi ang magdokumento o maglarawan ng paggamit ng wika, bagkus ang paglikha ng sariling mapagkukunan (para sa mga adhika ng kaniyang komunidad, sa sariling wika, at sa mga paraang nauukol para sa nasabing komunidad). Ang mga nalikhang mapagkukunan, na may kalikasang socio-semiotic, ay makahuhubog sa mga sistemang materyal: e.g. maaaring mapababa ng mga mapagkukunang ito ang bílang ng mga aksidente sa lugar at dahil dito ay mapabubuti ang pisikal at biolohikong kaligirang kinalalagyan ng tao.

Halimbawa 3: Sa pakikipagtulungan sa FLC Group, bumuo ang matatanda at kabataan sa komunidad ng Kristang sa Melaka, Malaysia ng isang Language Travels noong 2018. Mithiin ng nabanggit na Language Travels ang maitanghal ang kahusayan ng Kristang sa pamamagitan ng mga oportunidad na gumagamit at nagpapalakas sa wika ng komunidad (tingnan ang http://www.flcgroup.net/upcoming-conference-2018/language-travels/).

Pinangasiwaan ng matatanda ng komunidad ang Language Travels sa Melaka, at ginabayan ang mga kabataan sa pagiging mga guro ng wika. Nagdala ang proyektong ito ng mapagkakakitahan sa komunidad, pati na sa mga bata, at nagkaloob ng dangal para sa kanilang sariling wika.

Sa proyektong ito na subaltern linguistic, nakalinang at nakapagpatupad ang komunidad ng isang matagumpay na gawaing nag-akyat ng kita sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang wika. Nagtulungang mag-aral ang matatanda at kabataan ng kanilang wika at nakabuo ng materyal at metodo ng pagtuturo ng kanilang wika sa mga Language Traveler. Dahil sa kauna-unahang Language Travels na ito, nagtatayo na ang komunidad na Kristang ng dagdag na programa at pinatatakbo ito nang hiwalay sa FLC. Ipinakikita ng halimbawang ito ang kung papaanong makalilikha ang mga komunidad ng mga oportunidad na ekonomiko para sa kanilang sarili sa paggamit at pagpapalakas ng kanilang mga wika. Gumagamit sila ng mga mapagkukunang socio-semiotic upang makapagbalik ng biyaya at iba pang pakinabang sa mga tao sa kanilang komunidad.

Bílang paglalagom, ang subaltern linguistics ay isang lingguwistika ng mga tao, likha ng mga tao, at para sa tao. Mapagsaklaw ito’t hindi nagtatangi batay sa wika, kasanayan, edukasyon, edad, kasarian, oryentasyong seksuwal, uring panlipunan, at iba pang katangiang demograpiko. Sinumang gumagamit ng wika (o nag-aaral ng wika) upang palakasin ang kanilang mga komunidad ay isang subaltern linguist. Maaari siyang isang batà, isang lola, o silang dalawa. Ang mithiin ng subaltern linguistics ay pagpapabuting pangkomunidad—na ginagawa at katanggap-tanggap sa mga kasapi ng komunidad. Lahat táyo´y maaaring makisangkot sa subaltern linguistics—upang makabuo ng higit na masagana’t nagkakaisang mga lipunan.

Print Friendly, PDF & Email
Comments
Loading...